[Incisive Questions] Time with Kuya Efren

by Louie Dy (Class 2021)

For this batch of Incisive Questions, Louie Dy interviews Kuya Efren Suarez, who has long been part of the UPCM community. Kuya Efren, now 60 years old, has been with the College of Medicine for 42 years, and is currently working as a lab technician in the Animal Lab, located at the second floor of Paz Mendoza Building.

Paano po kayo nagsimula?

[Sa] Catarman, Northern Samar ako [nagtapos ng pag-aaral]. Wala pa akong trabaho noon. Dati noong 1976, sa tennis court ako – [isang] pulot boy. Tapos may isang doktor na nagsabi sa akin [na] mag-try [ako] sa Anatomy [Lab]. “Matuto kang maghawak ng skeleton. Matuto ka.” Tinuruan ako ng mga doktor kung paano maghawak ng skeleton, kung paano mag-assemble ng skeleton at tingnan kung may kulang na buto. At tsaka ‘yung mga dating technician, ‘yung mga katrabaho ko – sila Mang Selbis [phonetic], Mang Romi – ‘yung mga matatanda sa araw na iyon – sila ‘yung mga eksperto na nagtuturo sa akin. Mula 1978 hanggang 1981 ako sa Anatomy [Lab]. Anatomy, embalming – [‘yun mga ginawa ko].

Tapos, ‘nung na-bakante ang Pathology [Lab] dahil nawala sila Mang Siling at si Mang Pit Timpog, naging ako na ang mang-autopsy. Mga 1981 o 1982 noon hanggang 2002. Bale, mga 17 years, akong nag-o-autopsy. Estudyante pa sila Dr. Fortun, Dr. Abila, Dr. Dimacali, Dr. Lim – ‘yung mga doktor ngayon. Kapag sa PGH merong medicolegal cases, ako ‘yung taga-autopsy – kumbaga kapag undetermined, papipirmahin ko sa magulang ng consent para mabuksan ko ang buong katawan. ‘Pag full autopsy, pati spleen, spinal cord, o lahat na organ, lalabas ‘yan.

Ang pinakamahigpit na ‘di ko makalimutan na pathologist ay si Dr. Benjamin Canlas. Siya ‘yung pinakamahigpit na nagturo sa amin na mag-autopsy. Kasi ang sabi niya, kapag nagkamali kang magsugat ng isang body, hindi ‘yan magtatagal at mag-bleeding ‘yan. Kaya kami natutong magbiyak nang maayos – walang bleeding – para makuha mo ‘yung mga findings, kung anumang ikinamatay. Kasi ‘pag may bleeding, mahirap maghanap ng [findings]. ‘Pag bukas mo, may mga fluid, may mga hematoma. Minsan ‘yung mga galing PGH ay mga pinapalo o sinaksak. Kaya kailangan mong makuha sa unang bukas yung mga findings nila. ‘Pag madugo na, wala na; mahihirapan ka lang.

Noong natapos na ako mag-autopsy, maganda ‘yung ginawa ng admin. ‘Yung ginawa nila para sa research [na yung ginagawa ko ngayon sa Animal Lab], pinaaral kami sa La Salle – ‘yung mga seminar doon. Kaya malaking bagay ang natutunan ko sa mga seminar at sa mga actual (practical). Hindi na kami nagbayad. Pinaaral kami kung paano kumuha ng dugo sa daga. ‘Yung oral gavage din! Kapag nagkamali ka, mamamaga ‘yung thyroid at magbi-bleeding. ‘Yung pag-i-inject sa stomach – ‘pag nagkamali ka, masasama rin ‘yung intestines – delikado ‘yun.

Gaano na po kayong katagal dito? Kumusta naman po kayo?

41 years na. Noong 18 years old pa ako nagsimula! Mula 20 years old, naging regular na ako. Maayos naman po ang pamilya ko. ‘Yung mga anak ko – tapos na sila sa pag-aaral at sa awa ng Diyos, maganda na po ang trabaho nila. Bale may isa na lang – ‘yung bunso – ang nag-aaral ng Criminology. Pito sila! ‘Yung isa stewardess, isa naman sa emerit office [phonetic], [at iba sa] business, police.

(Follow-up Question) Kailan po kayo magre-retire?

Depende kung papayagan ako ni Dr. Yu. Siguro mga next June 2018. Pero ‘pag June, processing pa ‘yun. Abutin pang 2019 ‘yun.

Ano po ang inyong napasin sa tagal ng panahon?

Malaki ang pagbabago. Maganda. Kasi ‘nung araw, dami naming trabaho. Wala na masyadong pag-iisip. Trabaho nang trabaho na lang. Pero ngayon dito sa research, mas gumagana na ang isip eh. Tsaka maingat ka, kumbaga. Mas marami at malawak ang kaalaman.

High tech na ngayon eh; ‘di na katulad noong araw – talagang manu-mano ang mga bagay-bagay. Dati mahirap [magkuha] ng liver, pancreas, small intestine or partial heart and lungs.

Anu-ano po ang mga kakaibang kwento na naranasan niyo?

Malaki. Malaki ang pagbabago sa buhay ko sa pamamagitan ng UP College of Medicine. Dahil dito – sa tiyaga, sa trabaho, sa awa ng Diyos, nakapagtapos ng pag-aaral ang mga anak ko. Kasi ‘pag wala ito, ‘di ko alam kung anong mangyayari sa akin at sa anak ko. Kaya, tuwang-tuwa ako. Magre-retire na, nakangiti. [smiling] Nakatapos sila (ang mga anak ko). May kalakasan pa ako – at yung asawa ko. Nakapagserbisyo ako sa tulad ninyo, mga LU III.

Ano po ang nais niyong sabihin sa mga estudyante ngayon at sa hinaharap?

Natuto rin akong makisama sa mga estudyante. May matapang. May mabait. May mapang-harass. ‘Yun lang. Halos parehas lang. Pero sa akin, nakokontrol ko sila, kasi inuunahan ko ng respeto eh. Respeto ako. Kahit ako ang matanda, tinatawag ko sila, “Opo, ma’am.” o “Opo, miss.” Para gayahin nila ako sa pagrespeto ko sa kanila. Kahit estudyante. Kahit graduating na sila – intern. Kasi sayang eh, College of Medicine, tapos mga bastos tayo. Kaya tinuturo ko sa mga estudyante na tayo matutong gumalang sa kapwa, o sa mahirap man, o sa mababang tao – importante ‘yung may galang.

 

Kuya Efren Suarez currently works as the lab technician of the Animal Lab of the second floor of Paz Mendoza Bldg.

Leave a Reply